Nakahanda si perfume magnate at "Lord of Scents" Joel Cruz kung sakali mang tanungin siya ng mga anak na kambal tungkol sa kanilang mga pinagmulan.

"In case tanungin ako, doon ko na ipapaliwanag na iba ang case ko, na hindi ako talagang tunay na lalaki. I'm gay. Hopefully maintindihan nila talaga kung ano 'yung gay," saad ni Joel sa programang "Sarap, 'Di Ba?" nitong Sabado.

"Pero ang gusto kong ipaliwanag sa kanila, na kahit na hindi ako tunay na lalaki at wala akong asawa, gustong gusto ko talagang magkaanak."

"For me, for sure, hindi ganoon kadaling ipaliwanag sa kanila, but in due time, slowly, depende sa maturity nila kung paano nila maiintindihan 'yun lahat. I believe wala naman sigurong hesitations sa kanila and they will be proud of me na ginawa ko 'yon," dagdag pa niya.

Nabuo ang mga anak ni Joel sa pamamagitan ng surrogacy. Si Lilia na taga-Russia ang surrogate mother ng kaniyang walong anak.

Sila ay sina Prince Sean at Princess Synn na ipinanganak noong Setyembre 2012; Prince Harry at Prince Harvey noong Oktubre 2015; Charles at Charlotte noong Mayo 2017, Zeid noong Hunyo 2018, at Ziv noong Nobyembre 2018. —Jamil Santos/LBG, GMA News