Matapos rumampa sa Victoria's Secret Fashion Show noong 2018, itatampok naman sa sikat na swimsuit edition ng Sports Illustrated magazine si Kelsey Merritt.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, ibinalita ni Kelsey sa pamamagitan ng kaniyang Instagram stories na siya ang pinakabagong Sports Illustrated Swimsuit rookie.

Ipinasilip din niya ang kaniyang fitting session suot ang dalawang klase ng two-piece, habang may patikim naman na behind-the-scene footage ang Sports Illustrated kung saan ginawa ang photo shoot sa isang beach sa The Bahamas.

Sa darating na Mayo ilalabas ang swimsuit edition ng Sports Illustrated kung saan tampok si Kelsey. -- FRJ, GMA News