Eksklusibong pinasilip sa Unang Hirit nitong Miyerkoles ang gagamiting float ni Miss Universe 2018 Catriona Gray sa kanyang homecoming parade sa Huwebes.

Inspired ng lava gown at Mikimoto Crown in Catriona ang float, na dinisenyo ni Fritz Silorio na siya ring nagdisenyo ng float na ginamit sa homecoming ni Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach.

Ayon kay Fritz, naging mabusisi ang pagpili sa final design ng float ni Catriona.

"Daming design na sinubmit, and then hanggang sa siguro nakaanim kami na design bago nakuha yung panlasa ng Miss U kasi sila rin ang naga-approve," ani Fritz sa ulat ni Darlene Cay.

Bukod kay Fritz, maraming iba pa ang nagpasa ng design ng float.

"Sinuwerte lang na ano, pinalad yung design natin," ani Fritz.

Nine by thirty feet ang kabuuang sukat ng float na gawa raw sa textured fiber glass.

Mula conceptualization, inabot daw ng dalawang buwan ang pagbuo ng float. —KBK, GMA News