Nag-donate ng retinal imaging camera system ang Grammy award-winning Black Eyed Peas Member Apl.de.Ap sa isang ospital sa Pampanga.

Sa Star Bites report ni Cata Tibayan sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, sinabing ang aparato ay para mas madaling matukoy at magamot ang kundisyon na Retinopathy of Prematurity (ROP) o sanhi ng pagkabulag ng mga premature na sanggol.

Si Apl.de.Ap o Allan Pineda Lindo na tubong Kapampangan ay lumaki ring may visual impairment.

"I myself grew up as legally blind and had a difficult time going to school. So I wanna prevent the youth and other kids to not go through the same difficulties so they can excel and gain education," kuwento ni Apl.

Bukod dito, isinusulong din ni Apl.de.Ap ang mga proyektong pang-edukasyon at musika.

Hinahangad ni Apl na madiskubre ang mga talentadong Pinoy na puwedeng makipagsabayan sa international music scene.

"I was a kid that was given an opportunity. I come from a humble beginning, from Sapang Bato then made it to the U.S. and became Black Eyed Peas so I have to follow the footsteps of people who helped me out," anang international singer.

Proud na proud naman ang kaniyang inang si Cristine Pineda sa narating niya, dahil hindi pa rin siya nakakalimot sa mga pangaral nito.

"'Wag niyang kalimutang lumingon sa pinanggalingan," ani mommy Cristine.

Inilahad ni Apl na kung siya ang tatanungin, gusto niyang makipag-collaborate kay 2018 Miss Universe Catriona Gray.

"I'd love to be part of all the good things she is about to do," saad ni Apl.

Tuluy-tuloy naman ang pag-record ng Black Eyed Peas ng mga bagong kantang may panibagong upbeat and party vibe album na tiyak aasahan ng fans. — Jamil Santos/LA, GMA News