Kahit hindi marunong lumangoy at nakaranas ng trauma noong bata siya nang makitang nalulunod ang kaniyang kaklase, pinili pa rin ni Carmina Villaroel na huwag magpa-"double" sa eksena kung saan kailangan niyang lumusong at lumangoy sa ilog sa "Kara Mia" series.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ni Carmina na pinili niyang huwag magpa-double kahit may pag-aalinlangan para sa ikagaganda ng eksena.

"Hindi puwedeng daya lang o ibang tao ang gagawa because it's so easy to that eh, 'di kumuha ka na lang ng ka-double. Pero ako parang may kulang kasi kapag pinanood mo [kung may ka-double," paliwanag niya.

Biro daw ni Carmina, saka lang daw niya naramdaman ang takot nang tapos na niyang gawin ang eksena.

Natatawa pang dagdag ng aktres, "Ang lamig ng tubig hindi rin ako naliligong malamig ang tubig so lahat tinodo ko na."

Ang tagapagligtas naman ni Carmina sa naturang eksena na si Mike Tan, na gumaganap bilang ang engkantong si Iswal, gumugugol naman ng maraming oras sa prosthetics at makeup bago kunan ang eksena.

Marami rin ang humahanga sa maganda niyang pangangatawan na makikita sa serye dahil laging topless ang kaniyang mga eksena.

Disiplina raw sa diet at dedikasyon sa pagwo-workout ang naging susi ni Mike para ma-achieve ang kaniyang abs.-- FRJ, GMA News