Ikinuwento ni Janine Gutierrez ang isa niyang karanasan na nabastusan siya at lumabas ang kaniyang pagiging "dragona" sa isang driver na makakita sa kaniya habang naglalakad nang naka-shorts at shirt lang sa San Juan.

"Kasi merong restaurant malapit sa condo ko na nilalakad ko lang. Eh may meeting ako, tapos late na ako. So galing akong gym, nagbihis lang ako from my gym clothes, kasi 'yung leggings ko basa, pawis, ganiyan. So nagmadaling bihis lang ako ng shorts at t-shirt, so naka-shorts ako," kuwento ni Janine sa programang "Mars."

"Tawid-tawid ako. Tapos na 'yung meeting, pauwi na ako. May kotse na dumaan, ibinaba 'yung bintana, sabi, 'Miss, kailangan mo nang maghahatid sa 'yo?,'" patuloy ng aktres na bida sa Kapuso series na "Dragon Lady."

Nabastusan daw si Janine sa paraan ng ginawang pag-alok ng driver kaya sinigawan niya ito.

"Sabi ko talaga, 'Kadiree!!' Promise! Hindi ko talaga matiis ang mga ganiyan, 'yung mga catcallers, mga ganyan," natatawa niyang sabi "Ay, hindi pa siya kumpleto, sabi ko 'Eeww! Kadiree!'"

Tinantanan naman daw siya ng driver at mabilis na umalis.

"In fairness natakot si kuya dahil nag-drive away siya," saad ni Janine.

Hinangaan naman siya ni "Mars" host Camille Prats ang ginawa ni Janine.

"Pero very nice of you mars to actually say something about it kahit na mag-ingay ka doon, alam mo 'yun?," saad niya.

Ipinagbabawal na ang street-level sexual harassment sa mga kababaihan tulad ng catcalling sa Quezon City at Manila.

Kamakailan, inaresto ang isang construction worker matapos niyang bastusin umano ang isang 22-anyos na babae sa Quezon City kung saan umiiral ang Anti-catcalling Ordinance.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News