Sa nalalapit na pagtatapos ng Kapuso hit series na "My Special Tatay," sinabi nina Ken Chan at Rita Daniela na tatatak na sa puso nila ang kanilang mga karakter bilang ang mag-asawang Boyet at Aubrey.

Sa Chika Minute report Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing sa pagtatapos ng kanilang serye, nais daw na ilarawan nina Ken at Rita na ang lahat ng bagay ay may katapusan kahit na magaganda.

Nalulungkot man, masaya rin daw sila dahil nakapaghatid sila ng saya at inspirasyon sa mga manonood.

"Kapag may nagsarado may magbubukas. And I'm happy kasi ang ganda ng journey ng 'My Special Tatay,' that's the thing i'm thankful for," ani Rita.

Bukod sa mga nakasama nila sa programa, mami-miss din daw ng dalawa ang kanilang mga karakter na sina Boyet at Aubrey.

"Habambuhay nakatatak si Boyet sa puso ko. At for sure kay Rita rin, habambuhay nakatatak si Aubrey sa puso niya, and of course sa mga tao rin," pahayag ni Ken.

Para kina Ken at Rita, binago raw sila ng programa dahil sa kanilang mga natutunan.

"Dahil sa show na 'to mas lumawak yung tingin at respeto ko sa mga taong katulad ni Aubrey at katulad ni Boyet, in general sa mga tao. Kasi dahil sa show na 'to, dapat hindi ka nagja-judge," paliwanag ni Rita.

Sambit naman ni Ken, "Nadagdagan yung kaalaman namin pagdating sa autism and sa intellectual disabilities. Ang daming nadagdag sa buhay ko, parang kinumpleto ako ng 'My Special Tatay."

Pero kahit magwakas na ang serye, may pagkakataon naman ang mga tagasubaybay ng kanilang tambalang "BoBrey" na mapanood sila sa gaganapin nilang concert.

Sa May 11, mapapanood ang "My Special Love, #Bobrey In Concert sa Music Museum. Sa June naman ay magkakaroon din sila ng show sa Amerika.-- FRJ, GMA News