Mula sa pagiging miyembro noon ng sikat na teen-oriented show na "T.G.I.S," naging matagumpay pa rin ang buhay at karera ni Yves 'Ivan' Gonzalez sa labas ng showbiz.

Si Yves ang gumanap noon bilang si TJ sa third batch ng nabanggit na teen-oriented show, kung saan nakasama niya sina Anne Curtis, JR Trinidad, Chubi del Rosario, Aiza Marquez at Vanna Garcia.

Ngunit nilisan ni Yves ang showbiz at nagdesisyong tutukan ang pag-aaral at kumuha ng bar exam noong 2009 para maging abogado.

Pero bukod sa naipasa niya ang pagsusulit, napabilang pa si Yves sa top 10 passers kung saan naging 6th place.

Ang pagiging Traffic Director ng MMDA ang naging unang trabaho ni Yves, hanggang sa naging head siya ng Twitter team ng ahensiya at nag-develop ng MMDA smartphone app na "Metro Manila Traffic Navigator."

Matapos nito, lumipat siya sa MRC//McCann Manila at naging Social Command head at Mobile Solutions Director.

Mula 2016 hanggang 2018, naging Head of Government Relations and Public Policy ng Uber Philippines si Yves.

At ngayon, siya na ang Head of Public Policy and Government Relations ng  Google Philippines .

Pamilyadong tao na rin si Yves, mula sa kaniyang maybahay na si Crystal Lee, at mayroon silang dalawang anak na sina Bella at Tyler Paul.

 


Sa isang panayam noon, sinabi ni Yves na magandang karanasan sa kaniya ang pagiging bahagi ng T.G.I.S.  Natutuwa umano siya kapag nakikita at napapanood ang dati nilang  programa dahil nagpapaala ito ng kaniyang masayang kabataan.-- FRJ, GMA News