Mas kilala na bilang "Kapuso OST Princess" at mayroon nang sariling single, inihayag ni Hannah Precillas na binabalik niya ngayon sa pamilya ang tinatamasa niyang tagumpay, lalo sa kaniyang ina na nag-training sa kaniya na maging singer.

Ini-release na ni Hannah ang kaniyang single na "Kung Walang Ikaw" sa ilalim ng GMA Music.

Sa media conference sa GMA Network para sa release ng kaniyang single sinabi ni Hannah na isa ngayon sa kaniyang mga goal ay mabili ang pamilya ng bahay o condo.

 

 

"Sa ngayon nandito sila sa Manila. Nasa Cubao kami ngayon, pero nagre-rent pa lang kami. Kaya naisipan ko rin talaga, last year, naging goal ko talaga na dapat, kahit paano, masimulan kong may sariling bahay naman, or kahit condo muna," sabi ni Hannah.

''Yun na 'yung thinking ko ngayon eh, na, parang more on investing na lang, na condo muna, and then, siguro kapag nakapag-ipon na, bahay-lupa na talaga and then ang condo, ipapa-rent ko na lang, business ko na lang siya," dagdag niya.

Masaya raw si Hannah na nasa Maynila na sila naninirahan ng kaniyang pamilya.

"Province namin is Bohol. Meron kaming bahay at lupa dati pero sa kahirapan ng buhay nabenta po namin 'yun para makapag-aral kami. 'Pag uuwi kami ng province nakiki-stay lang kami sa house ng lola at tita ko," aniya.

Bukod pa sa condo, proud din si Hannah na may naipundar na siyang kotse.

"Wigo pa lang. Kasi lagi ko siyang [gamit] 'pag pupunta sa gigs eh. So tipid sa gas, madaling makalusot, and bagay sa akin kasi maliit lang din ako, so maliit lang din 'yung car ko," aniya.

Ikinuwento ni Hannah na natuto siyang maging wais sa pera nang tahakin ang pagiging singer.

"Sobrang laki ng difference na dati, kumakanta lang for fun, hanggang sa naging, like the other singers din, na 'yun na 'yung hanapbuhay namin. So puhunan namin 'yung boses namin. Dahil doon, natuto akong mag-ipon, maging mas wais in terms of money, kung paano gastusin 'yung pera na hindi lang gaya ng ibang teens ngayon na gimik gimik," aniya.

"Wala ako sa ganu'ng stage. Siguro lalabas ako with a friend, pero 'yung hindi ako magwawaldas ng pera kasi alam ko kung gaano ka-importante 'yun, kung gaano kahirap kitain ang pera these days," dagdag ni Hannah.

Malaki ang pasasalamat ni Hannah sa kaniyang ina na naging voice coach niya noong kabataan.

"Kahit hindi po ako nag-enroll ng voice lessons, meron naman akong sariling voice coach which is my mom... Every morning talaga pupunta kami sa dagat... Nahihiya na ako kasi 'yung ibang tao naririnig ako, tapos sinasabi niya, 'Wag kang mahiya, kasi for you din naman.' And then practice every day noong dumating na sa point na umiiyak na ako kasi gusto kong pumasok sa school and then gusto niya munang mag-practice ako bago pumasok," kuwento niya.

Kaya naman sinisiguro ni Hannah na nararamdaman din ng kaniyang pamilya ang "katas" ng kaniyang tagumpay.

"Kasi 'yun 'yung kasiyahan ko eh, na kapag nakikita kong masaya si mama, mga kapatid ko, 'yun na lang 'yung happiness ko talaga," aniya.

Ang "Kung Walang Ikaw" ay isinulat at nilapatan ng musika ni Vehnee Saturno, at ang music video nito ay sa ilalim ng Bakunawa Productions.

"Siguro, makita ko lang na andami pala talagang sumusuporta sa akin, na akala ko wala lang, 'yung fans wala lang. Tapos nu'ng nabanggit ko na magre-release ako ng single, parang sobrang excited sila, so nakakataba ng puso," dagdag ni Hannah.

"Siguro ang changes lang, mas lalo akong naging masipag," aniya. —KG, GMA News