Inabot ng isang taon ang paghahanda ni Andrea Torres para sa kaniyang Maldives trip sa Abril, mula sa pag-iipon at pagda-diet para siya ay OOTD-ready.

Nakatakda nang pumunta sa Maldives si Andrea sa Abril at makaka-date niya ang kaniyang mommy, ayon sa Star Bites report ni Nelson Canlas sa GMA News TV "Balitanghali Weekend" nitong Sabado.

Pati mga damit na dadalhin ay hinanda na ni Andrea.

Dahil dito, may pagkakataon silang makipag-bonding ng kaniyang mommy, na tinuruan na niyang maging expert sa pagkuha ng kaniyang pics para sa social media.

"Ay! Magaling na siya! Palagi ko siyang kasama, siya talaga 'yung nagpi-picture. Ang sinasabi ko sa kaniya, dapat naka-swimsuit ka rin," ayon kay Andrea.

Samantala, kasama naman si Sanya Lopez sa Japan trip ng kaniyang kuyang si Jak Roberto at girlfriend na si Barbie Forteza.

"Nagpumilit" daw na sumama si Sanya sa kanilang Japan trip, pero ayon sa aktres, walang kaso na maging third wheel siya ng magkasintahan dahil parang magbabarkada na silang tatlo.

"Kasi 'yung nakakatuwa sa kanila, hindi ka naman ma-a-out of place kapag kasama mo sila eh."

Wala namang planong magbakasyon si Kyline Alcantara, para sa mga projects.

Para sa kaniya, maganda naman ang kapalit ng kaniyang kaunting sakripisyo.

"Dapat sa Siargao or Sorsogon kami, but I have work, movie po, Black Lipstick," saad ni Kyline. —Jamil Santos/LBG, GMA News