Bukod sa bagong tambalan nina Jennylyn Mercado at Gabby Concepcion, aabangan din ang makabagong technology na gagamitin sa shooting ng romantic-comedy series na "Love You Two," para maging mistula itong pelikula.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, inihayag ni Jennylyn na na-starstruck siya nang una niyang makatrabaho veteran actor na si Gabby.

"Siyempre nu'ng una ninenerbyos ako, nabubulol-bulol pa. Pero nu'ng nag-start kami, ginawa naman niya akong komportable talaga sa set," sabi ng aktres.

Kasama rin sa serye ang model-entrepreneur na si Clint Bondad, Kiray Celis, Jerald Napoles,  Nar Cabico,  Shaira Diaz, at Solenn Heussaff.

Aminado si Solenn na idol niya si Jennylyn pagdating sa comedy.

"Lahat ng comedies movie ni Jen I think I've seen them. Super nakakatawa siya. Super fan na fan ako, tapos comedy," sabi ni Solenn.

Proud ang cast sa tele-pelikula dahil gagamitin sa serye ang mga bagong teknolohiya sa videography kaya mabusisi ang taping at mukhang pelikula ang resulta ng mga eksena.

Katunayan, nag-workshop din umano ang mga tao sa likod ng camera para siguruhing maihahatid nila ang isa sa pinaka-maganda at pinaka-bagong istilo sa paggawa ng serye sa telebisyon. --Jamil Santos/FRJ, GMA News