Noong 2001, nagkaroon ng hamon sa pamilya ni Sophie Albert kung saan na-stroke at nagkaroon ng heart attack ang kaniyang ama at tuluyan itong nakaratay hanggang sa kasalukuyan.

Sa programang "Tunay Na Buhay," sinabing bunso sa apat na magkakapatid si Sophie.  May dugong banyaga ang aktres dahil ang kaniyang lolo sa mother's side ay Irish-Portugese at Spanish-Italian naman ang kaniyang lola.

Sampung-taong-gulang daw si Sophie nang magkaroon ng karamdaman ang kaniyang ama, at aminado siyang matagal bago siya naka-adjust sa sitwasyon.

"Kami lang 'yung nakakaramdam ng ganu'ng feeling. It was a difficult adjusting period but I'm lucky that kaming magkakapatid, naging solid kami lahat," anang aktres.

Ito rin umano ang dahilan upang maging matatag siya para abutin ang kaniyang pangarap na maging artista.

Nagsimula si Sophie sa mga commercial at print ads, hanggang sa may mag-alok sa kaniyang mag-audition sa isang network.

Sumali rin si Sophie sa isang reality star search sa isa pang estasyon hanggang sa tuluyang maging artista, at makilala pa ang kasintahan niya ngayong si Vin Abrenica.

Panoorin ang buong panayam ni Rhea Santos kay Sophie sa video na ito.

-- Jamil Santos/FRJ, GMA News