Muling magsasama-sama ang mga sikat na Pinoy singers ng dekada otsenta para balikan ang kanilang greatest hits sa kanilang "Into The 80s" concert na gagawin sa The Theater at Solaire sa Mayo 18.

Sa Star Bites report ni Lhar Santiago sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, present sa kanilang press launch sina Raymond Lauchengco, Gino Padilla, Lou Bonnevie, Jett Pangan, at balik-bayang si Jam Morales.

Ngayon lang muling magtatanghal si Jam sa Pilipinas pagkatapos ng huling performance niya noong 90s, kaya naman siya ang pinaka-excited sa lahat ng performers.

Kabilang noon si Jam sa mga host ng GMA Supershow with Kuya Germs at kasabayan niya sina Sharon Cuneta, Dawn Zulueta, Jean Garcia, Pops Fernandez at iba pa.

"Coming here after so long and then doing the show, it's gonna be really a lot of fun... I'm gonna get hold of my kumares Jackie Lou, Lani, you know, and say hello to most of them," ani Jam.

Sa press launch, inawit ni Jam ang isa sa mga pinasikat niyang awitin na "Even If."

Naninirahan na sa Albuquerque, New Mexico si Jam matapos ikasal sa dati niyang kasamahan sa GMA Supershow na si Charles Harner.

Kahit hiwalay na sila, maganda pa rin daw ang relasyon nina Jam at Charles.

“We're good friends. We see each other everyday, you know, so, I mean with our kids... He's got multiple sclerosis so we kinda help out each other,” pagbahagi niya.

Dinapuan din daw ng matinding sakit si Jam anim na buwan na ang nakararaan.

“They found water in my heart and my lungs and it's part of the auto immune disease that I have... It was just because I couldn't move. I mean it was like I was paralyzed," kuwento pa niya. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News