Ngayong may mga proyekto siya sa Kapuso Network tulad ng bagong afternoon series na "Dahil sa Pag-Ibig," natanong si Winwyn Marquez kung bukas pa siya sa pagsali sa Binibining Pilipinas kung sakaling magkaroon siya ng oras.

"I have another show with [GMA] News TV which is 'Glow Up,' I'm one of the hosts na lifestyle show siya, so wala talaga sa isip ko ngayon 'yung Binibini (Bb. Pilipinas). And I'm happy kasi I also know that I'm gonna have another movie with Regal, so at least, walang space para mag-isip ng ibang bagay, so ngayon gusto ko munang mag-focus kung ano 'yung meron ako ngayon kasi sayang naman 'yung binigay nila," saad ni Winwyn sa media conference ng Dahil Sa Pag-ibig sa GMA Network kamakailan.

"Focus muna on one thing, and then we'll see," saad pa niya.

Hindi man raw makasali si Winwyn sa Binibining Pilipinas ngayong taon, masaya naman siya sa kaniyang mga proyekto.

Nilinaw din ni Winwyn na kailangan niyang tanggihan ang Pamilya Roces noon para magampanan ang titulo niya bilang reigning Reina Hispanoamericana 2017.

"Sa Pamilya Roces kasi, my priorities were different kasi I had a crown. I still have my crown, I was going to turn over pa, plus, siguro it wasn't really for me, and Sophie Albert did a great job. So I was happy na napunta rin sa kaniya, 'di ba? So happy naman ako na ganu'n 'yung nangyari."

Ngayong wala na sa kaniya ang korona, pagtutuunan niya naman ngayon ng pansin ang Dahil sa Pag-ibig.

"This time naman, fortunately binigyan ako ng isa pang story na gusto ko, swak na talagang heavy drama. And 'yung mga kasama ko kasi mga kaibigan ko, sina Sanya, sina Pancho. Nag-usap talaga kami kung paano namin iti-treat 'yung mga scenes. So I was comfortable naman."

Gagampanan ni Winwyn si Portia, asawa ng isang employer sa Saudi Arabia na ipakukulong si Eldon (Benjamin Alves) dahil sa krimeng ginawa nito. Dahil dito, maghihirap si Mariel (Sanya Lopez) na humanap ng pera para sa pangtubos sa asawang si Eldon.

Natanong si Winwyn kung paano niya pinaghandaan ang mga daring scenes nila sa Dahil sa Pag-ibig.

"Depende talaga sa material. Kasi for me, I wouldn't do it kung wala lang. I want to see the material first, I wanna know how kung paano siya iti-treat, 'yung treatment sa scene. So okay naman, nagkasundo naman."

Ipalalabas ang Dahil sa Pag-ibig sa Mayo 20 sa GMA Afternoon Prime. — MDM, GMA News