Itinuturing ni Janine Gutierrez na dream come true ang makasama niya ang kaniyang lola "Mamita" na si Pilita Corrales sa isang fashion editorial project.

Sa Star Bites report ni Cata Tibayan sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, sinabing nagkasama ang mag-lola sa photoshoot ng isang lifestyle magazine.

Dahil pang-70's ang theme ng photoshoot, mula sa hair-do hanggang sa damit ay classic ang dating nina Pilita at Janine.

Sabi ni Janine, bukod sa dream project niya na makasama ang kanilang lola sa isang fashion editorial, bonus pa na naisuot niya ang ilan sa mga vintage clothes ni Pilita.

Ayon sa "Dragon Lady" star, natutunan niya ang kaniyang fashion style sa kaniyang lola.

"Si Mamita kasi very experimental sa fashion, mahilig siya sa uso. Binibigyan niya ako ng mga damit na akala ko bongga pero 'pag natry ko na, 'ay enjoy din pala to try, something different," paliwanag niya.

Biro pa ni Janine, favorite shopping place niya ang closet ng kaniyang lola.

"Favorite ko yung yung mga luma niyang trench coat, kay mamita 'to," pagpapakita ni Janine sa kaniyang suot. "May mga leather jacket. It's fun to mix and match sa mga damit ko talaga."

Matapos makasama sa naturang proyekto ang kaniyang lola Pilita, hoping si Janine na next project naman ay makatrabaho ang isa pang lola niya si Nora Aunor.-- FRJ, GMA News