Bukod sa pagiging artista, si Michael V o Bitoy din ang direktor, script writer, producer ng pelikulang "Family History." Sa dami ng kaniyang ginawang trabaho, inihayag ng Kapuso comedy genius kung saan siya pinakanahirapan.

"It would be the directing part, kasi first time kong ginawa for a full-length movie. Hindi ko in-expect na ganu'n kahirap. Mas madali talaga maging artista," natatawa niyang sagot sa panayam ng GMA News Online nitong Martes sa GMA Network.

"Actually siguro, kaya naman kung isa lang ang role na gagawin ko. Like for example kung nagdi-direk lang ako, malamang mas bawas 'yung stress compared du'n sa nagdi-direk ka at nag-aartista ka pa at nagpo-produce ka pa at the same time," dagdag pa niya.

Inamin din ni Bitoy na nakaramdam din siya ng stress kung minsan sa paggawa ng "Family History."

"Ang daming tumatakbo sa utak mo. You can't help but think about 'yung budget na gagamitin ninyo, 'yung araw na masasayang, 'yung mga acting na kailangan mong gawin, pagmememorya ng linya, ang dami eh. In a day, dumating sa point na medyo naging stressful na towards the shooting days. So parang na-realize ko na hindi biro 'yung [ginagawa ko]," sabi pa niya.

Kuwento pa ni Bitoy, naisip niya na maging one-man team dahil sa mga nakatrabaho niya tulad ng mga direktor na sina Uro de la Cruz, Bert de Leon, at Mike Tuviera.

Inspirasyon naman daw ni Michael si Ogie Alcasid pagdating sa producing at acting.

"I would think na 'yung research na ginawa ko, akala ko nga is enough. Nagawan naman ng paraan para itawid ko 'yung proyekto na ito, pero I think I have a lot to learn," saad ni Bitoy.

Bukas si "direk" Bitoy sa tuwing may suhestiyon ang kaniyang mga artista sa pelikula.

"Ang nangyayari kasi is it has to make sense. It doesn't matter kung sino ang nag-suggest, it doesn't matter kung kaninong idea. Basta if it makes sense at sasalpak, magiging tama para du'n sa tema ng pelikula, 'yun ang masusunod. So medyo democratic naman kami pagdating sa ganu'ng aspeto," ayon pa sa aktor.

Nag-post si Michael ng teaser ng "Family History" sa kaniyang Instagram.

 

 

"Teaser lang talaga kasi siya, if you take it literally 'yung word na, talagang patikim lang siya, and ginawa namin talaga, sinadya namin to pick the curiosity of the audience. Naging positive naman ang resulta dahil gumawa na sila ng mga sariling theories about the movie. 'Yung iba nanghuhula na ng plot. And I would say na may iba sa kanila na tama, marami naman ang mali. Which is good," masaya niyang lahad

Sa ilalim ng GMA Pictures at Mic Test Entertainment, ipalalabas ang Family History sa Hulyo. .-- FRJ, GMA News