Inihayag ng tinaguriang Queen of All Media na si Kris Aquino ang kaniyang paghanga sa impersonator na si Chino Liu. Kasabay nito, natutuwa rin siya na nagkaroon siya ng "impact" sa buhay ni Chino at sa iba pang nanggagaya sa kaniya.

Nitong Miyerkules, naging contestant si Chino sa "Wowowin" kasama ang iba pang impersonator ng mga celebrity.

Marami ang natuwa at humanga kay Chino dahil sa mga hirit niya at gayang-gaya niya si Kris.

Sa naturang programa, humingi ng paumanhin si Chino kay Kris at sinabing hindi niya nais bastusin ang multimedia star.

"Hi Miss Kris Aquino. Sorry hindi kita binabastos; boses Kris pero mukhang John Lapus," birong pagbati ni Chino kay Kris.

Kahit si Willie Revillame, bumilib kay Chino at tinawagan sa telepono si Kris para magkausap ang dalawa.

Sa kanilang pag-uusap via phone patch, inihayag na ni Kris ang paghanga sa husay ni Chino dahil plakadong-plakado nito ang kaniyang boses.

“I'm very impressed ah because you have the intonation correctly and actually even the accent, it's correct,” patuloy ni Kris na nagbigay pa ng tip kay Chino kung papaano magagaya pa ang kaniyang pananalita.

Sa isang Facebook post ni Kris, kung saan nagbigay siya ng ilang impormasyon tungkol sa pinagdaanan niyang medical test kamakailan, muling inihayag ng multimedia star ang paghanga kay Chino.

"Bincai showed me that 'Wowowin' had already uploaded on their official YouTube channel my phone conversation with Willie & the Krisy impersonator, Chino Liu. I took that call late Saturday night, maybe even closer to midnight and watching the exchange just now somehow made me feel special," sabi ni Kris.

"I was genuinely impressed because he got the inflection and the conversational nuances correctly and I appreciated it for what it was, a person’s sincere form of expressing his being a fan- because I saw it for myself when he had told Willie that his wish was for him to meet me in person," dagdag ni Kris.

Sinabi pa niya na natutuwa siya kay Chino at sa iba pang ginagaya siya dahil nagkaroon siya ng "impact" sa buhay nila.

"Para pag-aksayahan ako ng panahon, aralin ako, and I’m assuming paulit-ulit akong pinanuod para makuha yung boses in the way he was able to," ani Kris.

"Maybe that’s also why a part of me will always root for Maine [Mendoza] to continue evolving and shining brighter because she started by “dubsmashing” me and look at how big a star she has become," dagdag ni Kris. --FRJ, GMA News