Nagbabalik sa Kapuso Network ang batikang aktres na si Aiko Melendez matapos ang mahabang panahon at makakasama sa isang bagong drama series.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing dinaluhan ni Aiko ang story conference ng bagong GMA series na "Prima Donnas," na hudyat ng kaniyang pagbabalik-Kapuso.

"It's great to be back here in GMA after a long, long, long, long time. So, I'm excited to work with these new actors here na new breed of GMA talents," anang aktres.

Makakasama ni Aiko sa "Prima Donnas" ang apat na kabataang female stars na sina Jillian Ward, Sofia Pablo, Althea Ablan at Elija Alejo.

Kabilang din sa serye sina Wendell Ramos, Katrina Halili at Chanda Romero.

Mas lalo pang na-excite si Aiko dahil si Gina Alajar ang magdidirek sa serye.

"Although I've worked with her as an actor but as a director, if I'm not mistaken, I think, this is the first time na ma-handle niya ko, so I'm really excited because alam naman natin kung anong klaseng artista si direk Gina," anang aktres.

Hindi naman daw naging mahirap ang usapan sa pagitan ng kampo ni Aiko at ng GMA sa kaniyang pagbabalik-Kapuso.

"They got in touch with my manager, which is si Tito Boy Abunda and they gave me this offer, then I read the script and then I loved the script and I said I'm ready to work," kuwento ni Aiko.

Bago siya magsimulang mag-taping, aalis muna si Aiko Huwebes ng gabi para sa maikling bakasyon sa Amerika.

"Ang GMA was kind enough na, sabi ko kasi aalis ako, pupunta ako ng U.S. Hihintayin daw nila ko kasi they really want me here," sabi ni Aiko.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News