Idinaan ni Jak Roberto sa biro ang kaniyang reaksyon nang mapanood ang mga mapangahas na eksena ni Sanya Lopez sa afternoon series na "Dahil sa Pag-ibig," bagama't aminado siyang protective pa rin siya para sa kapatid.

“Hindi medyo eh, tito eh. Kasi nakikita ko sa TV ang MTRCB, SPG eh... 'Yung istorya pa lang nu'ng nalaman ko is about indecent proposal, tapos sabi ko, 'Hala, naku, nasa'n kaya pamalo ko?” biro ni Jak sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles.

May tiwala naman daw si Jak kay Sanya kahit pa gumagawa na ito ng mga SPG scene.

“Siguro normal naman tito 'yun. Parang ginagawa ko lang naman din pong biro pero siya naman, nasa tamang edad na siya eh. Alam niya na rin po kung ano 'yung dapat niyang gawin. So ako, alalay na lang tito,” sabi ni Jak.

Kung si Sanya ay pinagkakaabalahan ang Dahil sa Pag-ibig, si Jak naman ay abala sa "Kara Mia" kaya halos hindi na sila nagkikita sa bahay.

Pero hindi pa rin nila nakalilimutang mag-bonding time kaya naisisingit nila ang travel, kasama pa ang girlfriend ni Jak na si Barbie Forteza.

Kinamusta rin ang relasyon nila ngayon ni Barbie.

"Ngayon, happy naman po and getting stronger. So, wala pa naman po kaming pinag-aawayan bukod nga sa motor... Kasi ayaw niya talaga nagmomotor ako eh. Para din naman sa kaligtasan ko," saad ni Jak.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News