Nabuksan daw ang kaisipan ni Kris Bernal sa iba't ibang sa isyu tulad ng illegal drugs matapos siyang gumanap bilang isang single mom na drug user sa pelikulang "KontrAdiksyon."

Sa media conference ng "KontrAdiksyon" nitong Biyernes, sinabi ni Kris na may taong kumakapit sa droga dahil sa may pinagdadaanan o kaya naman ay para sa kanilang pamilya.

"Since I got this role of Jessica Puyat, somehow may mga tao talaga na kailangan nilang gawin ito para mabuhay or makapag-provide sa family," saad ni Kris, sabay linaw na nauunawaan niya ang sitwasyon ng mga taong ito pero hindi siya sang-ayon sa pagpasok sa iligal na gawain.

"But also naiintindihan ko rin 'yung side ni President Duterte, it's because tayong mga Pilipino, we have to be disciplined. Kailangan talaga natin ng tapang, at ang presidente lang ang makaka-kontrol sa atin. So somehow, can I just say that I'm in the middle of pro and I'm against," dagdag pa ni Kris tungkol sa paraan ng kampanya laban sa iligal na droga.

 

 


Mula nang ilunsad ng pamahalaang Duterte ang all out war laban sa droga, ilang libo na ang nasawi na sinasabing sangkot umano sa bawal na gamot. May mga panawagan na sa halip na patayin ay dapat isailalim sa rehabilitasyon ang mga suspek.

Iginiit ng mga awtoridad na napapatay sa operasyon ang mga suspek dahil nanlalaban ang mga ito sa halip na sumuko.

Ayon kay Kris, nagsaliksik siya para mapaghandaan ang kaniyang karakter.

"You know, somehow it opened my eyes to political issues and about the government, 'cause honestly, I'm so busy with being an actress and nalalayo tayo sa gano'n. Pero what I realized, what's behind these issues," sabi ng aktres.

"Like of course, the war on illegal drugs, kung ano ba talaga 'yung nangyayari and at the same time kung ano 'yung ginagawa ng presidente natin at kung ano ba talaga 'yung buhay ng isang drug pusher or drug user," dagdag niya.

Aminado siya na hindi siya interesado noon sa isyu pero nabuksan ang isip niya dahil sa pelikula.

Isa raw sa natutunan ni Kris ay ang paghahanap ng ilang tao ng pamamaraan para masolusyonan ang kanilang problema o pinagdadaanan.

"Kasi I made a research, like bakit nila ginagawa ito, bakit sila naaadik, bakit ganiyan. Minsan siyempre, tao ka lang din eh, kailangan mo ng ipagbe-vent out. Kailangan mong mag-relax or whatever. May mga tao na ganu'n 'yung ways nila," paliwanag niya.

Gayunman, kailangan pa rin daw ng disiplina.

"But of course, not to the point na talagang nagiging masama ka nang tao and talagang hindi mo na ma-control. So sabi ko nga, somehow you should be disciplined, disciplined ka pa rin. And there are other ways to vent out or ibuhos mo 'yung frustrations mo like, for example going to the church, or family bonding, making new friends. There are lots of ways talaga na okay lang naman na hindi drugs," saad ni Kris.

Patuloy niya, "But dahil 'yung mga tao nga, hindi natin masabi, dahil limited 'yung sources nila or ito lang 'yung kaya nilang gawin, ito lang 'yung lifestyle nila, hindi mo rin masabi. Iba-iba rin 'yung tao eh. Kailangan intindihin mo rin 'yung sitwasyon nila sometimes."

Naunawaan din ni Kris kung bakit kailangang ipatupad ng gobyerno ang kampanya nito sa ilegal na droga.

"From the side of the government, well, somehow really, kailangan natin ng magko-kontrol sa atin, kailangan natin ng matapang na magdi-discipline sa atin. So I guess 'yun lang talaga 'yung, ako for me ha as a Filipino, feel ko 'yun lang din talaga 'yung goal ni President Duterte, madisiplina tayong lahat," ayon kay Kris.

Sa kabila nito, iginiit ni Kris na mahalaga pa rin ang buhay ng isang tao.

"But of course, ang buhay ay galing kay God, hindi mo puwedeng... you just cannot take that away. But just for the whole Philippines to realize na they have to be disciplined in so many ways, not just in illegal drugs. Let's say the traffic in EDSA, bakit ba laging nagta-traffic kasi nga pasaway ang mga Pinoy, so somehow kailangan mo ng ganu'ng disiplina," paliwanag niya.

Sa direksyon ni Njel de Mesa, ang "KontrAdiksyon" ay tungkol sa isang human rights activist na si Alexis Borlaza (Jake Cuenca) na naging undercover drug enforcement agent, ngunit vigilante sa gabi. Hihingi siya ng tulong kay Jessica (Kris) na call-center agent.

Tampok sa "KontrAdiksyon" ang magkabilang panig hinggil sa usapin ng ilegal na droga kaya wala umanong bida at kontrabida.

"We live in a time that people are so divided, and they bash each other on social media and I wanted to encapsulate that emotion. One way that I can do that is by giving voice to both those against it and those for it. Meaning to say, the movie is sabong," ayon kay direk Njel.

Unang sabak ulit ito ni Kris sa paggawa ng pelikula matapos ang halos walong taon.

"First time ko and sa totoo lang, ang tagal ko nang hindi gumawa ng pelikula. My last film was eight years ago pa so hindi ako masyadong sanay gumawa at nakikita ang sarili ko sa big screen," aniya.

"Kasi talagang hindi ako nasanay sa ganu'ng platform. Pero very thankful ako kasi nabigyan ako ng chance, and it's very different talaga from TV. Ibang acting, ibang camera angles, camera tricks. Talagang na-experience ko na wow, puwede na akong movie star," ayon pa sa aktres.--FRJ, GMA News