Itinanghal bilang Best Actor si Eddie Garcia sa ika-42 Gawad Urian para sa pagganap niya sa pelikulang "ML," na tumatalakay sa martial law.

Sa Star Bites report ni Cata Tibayan sa GMA News "Balitanghali" nitong Miyerkules, sinabing pangatlong Best Actor award na ito ni Eddie sa Urian.

Samantala, hindi pa naglalabas ng bagong medical bulletin hinggil sa kalagayan ni Manoy.

Isinaad sa huling update na sinusuportahan pa rin siya ng ventilator, at hinikayat na limitahan rin ang pagbisita sa kaniya sa ospital.

Bukod kay Eddie, wagi rin ang ilang Kapuso stars sa 42 Gawad Urian.

Kinilala si Cherie Gil bilang Pinakamahusay na Pangalawang Aktres sa pagganap niya sa pelikulang "Citizen Jake."

Natanggap naman ng direktor na si Joel Lamangan ang Pinakamahusay na Pangalawang Aktor para sa "School Service."

Lifetime Achievement Awardee naman si Gloria Sevilla.

Ang pelikulang "Buy Bust," kung saan gumanap si Victor Neri, ay nakatanggap ng Pinakamahusay na Musika, Pinakamahusay na Disenyong Pamproduksiyon, Pinakamahusay na Cinematography at Pinakamahusay na Pelikula. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News