Labis ang galak ng multi-awarded at beteranang aktres na si Anita Linda matapos siyang kilalanin ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) sa kaniyang kontribusyon sa pelikulang Pilipino.

"Masaya, proud, and grateful... I'm very happy. I'm happy," sabi ni Anita sa Star Bites report ng GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkoles.

Pinarangalan si Linda sa programang "Sandaan: Dunong ng Isang Ina" sa 75 taon niyang kontribusyon at dedikasyon sa pelikulang Pilipino.

Sa edad 94, handa pa rin daw ang aktres na gumanap sa ano mang role, mapa-TV o mapa-pelikula.

Minsan nang napanood ang beteranang aktres sa isang episode ng "Karelasyon."

Dito ay ginampanan ni Anita ang role ng isang ina na naging mahigpit para protektahan ang kaniyang anak na ginampanan ni Angel Aquino.


-- Jamil Santos/FRJ, GMA News