Kabilang si Christopher "Boyet" de Leon sa mga dumalo sa ikalawang gabi ng burol para sa namayapang aktor na si Eddie Garcia sa Heritage Park. Aniya, dapat ay noon pa hinirang si Eddie bilang National Artist.

"National Artist? Ba't 'di niyo binigay nu'ng buhay pa siya? 'Di ba? He could have appreciated that when he was still alive, and now he’s up there...beyond. Ya, why not, sure. But it could have been better when he was still alive, if we did this when he was still alive...," sabi ni Christopher.

 

 

Dagdag ni Christopher, may credentials si Eddie para gawing National Artist.

"Ya, why not sure, he is, talagang ano, all the credentials are there as a National Artist. He’s a very good, he won a lot of awards as a director as an actor, as a writer, ya, why not," sabi niya.

Parehong humanga si Christopher at ang aktor na si Cesar Montano sa propesyonalismo at pagiging mapagkumbaba ni Eddie.

Si Christopher, nakasama si Eddie sa kanyang unang pelikula na "Tinimbang Ka Ngunit Kulang" kung saan si Eddie ang gumanap bilang kanyang ama.

Nakasama rin ni Cesar si Eddie sa pelikulang "Ako ang Batas: General Karingal" at hindi raw niya malilimutan ang pagiging propesyonal ni Montano.

Para kay Cesar, karapat-dapat si Eddie na mahirang na National Artist.

"National Artist award para kay Tito Eddie eh ako ay wala nang pag-aalinlangan diyan. Dapat maibigay sa kanya 'yan. Siya lang yata 'yan. Well deserved to be our National Artist," ani Cesar nang makapanayam ng GMA News sa ikalawang gabi ng burol para sa namayapang aktor.

 

 

 

 

Sa ikalawang gabi ng burol, patuloy na bumuhos sa Heritage Park ang mga tagahanga, kaibigan at mga kapwa artista.

Bukod kay Christopher at Cesar, personal ding nakiramay sa naiwang pamilya ni Eddie sina Andrew E., Janno Gibbs, Gina Alajar at Amy Austria.

 

 

Ang mga bisita ay hinarap ng long-time partner ni Eddie na si Lilibeth Romero, kapatid na si Santiago, anak na si Erwin at stepson na si 1-Pacman party-list Representative Mikee Romero.

 

 

Isang tagahanga at kumpare ni Eddie na si Nestor Daracan na bumiyahe pa mula Cagayan Province ang nag-alay ng awitin ng pamamalaam para sa pumanaw na aktor.

Bitbit ang gitara, umawit si Daracan sa harap ni Lilibeth.

 

 

Nitong Linggo ng umaga ay dumalaw din ang aktor na si Niño Muhlach.

 

 

Nagpasalamat ang anak ni Eddie na si Erwin sa lahat ng mga sumuporta at nakiramay sa kanila, ayon sa ulat sa Super Radyo dzBB.

Inilarawan ni Erwin si Eddie bilang isang amang mapagmahal at maalaga.

Hanggang 6 p.m. na lamang ngayong Linggo ang burol para sa batikang aktor. 

 

 

Binawian ng buhay si Eddie noong Huwebes ng hapon sa edad na 90. —Jannielyn Ann Bigtas/KG, GMA News