Sa unang pagkakataon matapos isilang si Baby Ziggy, nagpakita na sa publiko si Kapuso Primetime Queen Marian Rivera.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing blooming si Marian nang dumalo siya sa isang event.

Unti-unti na raw siyang bumabalik sa trabaho ngayon matapos siyang magsilang noong Abril.

Ayon sa aktres, marami siyang natutunan bilang mommy noong baby pa ang panganay nila ni Dingdong Dantes na si Zia, at nagagamit daw niya ito ngayon kay Ziggy.

Sinabi rin ni Marian na araw-araw ay may natutunan siyang cute na pagkakaiba ni Ziggy at Zia.

"Well, mas malakas magdede [si Ziggy], mas tahimik ito," masaya niyang pagbahagi.
Damang-dama rin daw ni Marian ang pagmamahal ng kaniyang mister sa dalawa nilang anak.

"Palagi kailangan mag-send ako ng pictures. Every now and then nagpe-facetime siya. Hindi puwedeng walang ganoon. Minsan 'pag busy ako, may ginagawa kami ni Zia o kaya busy ako kay Ziggy, tatawag 'yan, 'bakit wala akong picture," kuwento pa ng aktres.

Natutunan na rin daw ni Marian kung papaano niya babalansehin ang kaniyang oras para sa dalawa niyang anak, at kaniyang mister.--FRJ, GMA News