Tulad ng ilang bagong mommy, inamin ni Rochelle Pangilinan na nakaranas din siya ng postpartum blues pero matagumpay niya itong nalampasan.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, inihayag ni Rochelle na kasabay ng naramdaman niyang kasiyahan sa pagiging ina ay nakaramdaman din siya ng lungkot dahil sa pagbabago sa kaniyang pangangatawan.

"Wala kang kamot before, na maayos 'yung katawan mo, ngayon parang ang dami mo nang iniisip.  Tapos 'yung baby na bukod du'n sa katawan mo. Kapag nakikita mo sa salamin, normal na made-depress ka," saad niya.

Pero nilabanan daw ni Rochelle ang naramdamang lungkot sa pamamagitan ng pagiging aktibo upang maibaba ang timbang ng kaniyang katawan.

Nagsimula raw siya sa paglalakad-lakad, hanggang naging jogging. Ngayon ay nagwo-workout na siya at nagsasayaw ng simple routines.

Pagkaraan nito, nakita na niya ang resulta na unti-unti na niyang naibabalik sa dati ang kaniyang pangangatawan.

Ang pinag-aaralan daw ni Rochelle ngayon ay ang unti-unti nang iwan si Baby Shiloh bilang paghahanda sa kaniyang pagbabalik trabaho.

"Everyday, every morning kapag nagla-light jog ako sa labas kinakaya ko kasi tulog pa silang dalawa so tumitingin lang ako sa CCTV," saad niya.

Sinabi rin ni Rochelle na breastfeeding mom siya at nagpapasalamat siya na sagana ang kaniyang supply ng gatas, na naise-share din niya sa ibang babies.

Dagdag pa ni Rochelle, kinakaya niya ang lahat ng ito dahil very supportive ang kanyang mister na si Arthur Solinap. -- FRJ, GMA News