Inanunsyo na ang unang apat, sa walong pelikulang kasali sa Metro Manila Film Festival ngayong 2019, at mapapanood sa mga sinehan sa darating na Disyembre.

Sa Star Bites report ni Cata Tibayan sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing mapapanood muli sina Bossing Vic Sotto at Maine Mendoza sa taunang film festival para sa pelikula nilang "Mission Unstapabol: The Don Identity."

Noong nakaraang taon, naging kalahok din sa MMFF ang pelikula nina Vic at Maine na "Jack Em Popoy: The Puliscredibles," na pinagbidahan din ni Coco Martin.

Pasok din sa MMFF 2019 ang pelikulang "Kampon" na pagbibidahan naman nina Derek Ramsay at Kris Aquino.

Kabilang din sa listahan ang remake ng hit Korean film na "Miracle In Cell Number Seven" at ang "Momalland."

Ang Taguig City ang napiling host ng MMFF ngayong taon, kung saan doon gaganapin ang Parade Of Stars sa Disyembre 23.

Ika-45 taon ngayon ng MMFF, na kasabay ng pagdiriwang ng sentenaryo ng Philippine Cinema.--Jamil Santos/FRJ, GMA News