Nagsilbing homecoming ni Derek Ramsay ang pagpunta niya sa United Kingdom para dumalo sa "Birmingham-Sandwell West Midlands Filipino Festival." Nagpakilig din siya sa Dubai, U.A.E., kung saan may naiyak pang OFW nang sorpresahin niya.

Hatid ng GMA Pinoy TV at streaming service na Mavshack ang event sa U.K., ayon sa Star Bites report ni Cata Tibayan sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes.

"It's always nice to come back home and meet my kababayans here in the U.K," saad ni Derek na isang Filipino-British actor.

Bago ang biyahe niya sa U.K., dumalo rin si Derek sa press meeting ng Mutya Pilipinas U.A.E. 2019 at naghatid ng saya at kilig.

Pinuntahan din ng "The Better Woman" leading man ang isang training center kung saan nagtuturo ang ilang OFW teacher volunteers sa mga kapwa nilang OFW, at binisita ang shop ng world-renowned Pinoy designer na si Michael Cinco.

Naiyak pa ang isa sa mga Pinay assistant ng Dubai-based designer nang siya'y sorpresahin at makita at mayakap si Derek.

Samantala sa Pilipinas, libo-libong Kapuso rin ang pinasaya ng "Love You Two" stars na sina Gabby Concepcion at Solenn Heussaff sa Kapuso mall show sa Puerto Princesa City.

Sa himig ng kantang "Buwan," hinarana naman ni Kapuso Drama King Dennis Trillo ang mga Kapusong Ilonggo.

Nagpasaya rin sina "The Clash" rand champion Golden Cañedo, Rocco Nacino, at tambalang "Juanchoyce" nina Juancho Trivino at Joyce Ching sa Alaminos City, Pangasinan.

"We're always happy to be here in Pangasinan. Ang saya lang ng mga tao," saad ni Juancho.

"Sobrang grateful kami na nakapunta kami dito at makita namin sila," sabi naman ni Joyce.

"I'm so happy po kasi nakabalik ako dito sa Pangasinan," ani Golden.

"'Yan ang isang way ko na magpasalamat sa mga Kapuso natin sa pagsuporta sa mga programa ng GMA," sabi ni Rocco.--Jamil Santos/FRJ, GMA News