Nasa London na ang Kapuso actress-singer na si Glaiza de Castro para mag-aral ng kurso tungkol sa musika.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing first time na mamumuhay na mag-isa si Glaiza, at sa abroad pa.

"It's also a test of faith. Kung ano 'yung magagawa ni Lord para sa 'yo. Kasi, 'di ba, siya naman talaga 'yung magbibigay sa'yo ng guidance, siya 'yung magbibigay sa'yo ng discernment, ng wisdom," saad niya.

Sinabi rin ni Glaiza na sandali rin silang magkikita sa London ng kaniyang boyfriend na si David.

"Few days talaga kasi 'yung dad niya magse-celebrate din ng birthday sa Portugal, so by that time, nagsisimula na 'ko ng lessons ko. Tinatanong nga nila pero sabi ko, hindi talaga kaya," kuwento ni Glaiza.

Bukod doon, kailangan din daw na manatili ni David sa Ireland para sa sinisimulan nitong negosyo.

Habang nasa London si Glaiza, ipapalabas naman dito sa Pilipinas ang pelikula niyang "My Letters to Happy" na saan katambal niya si TJ Trinidad.

Ibang-iba raw ang karakter niya rito bilang si Happy.

"She speaks her mind, makulit siya, maharot siya. Kumbaga, kung ako, makikita ko si Happy, ang sarap niyang maging kaibigan," ayon sa actress-singer.

Ikinuwento rin ni Glaiza na kinabahan siya sa isang eksena sa pelikula kung saan lulusong siya sa dagat at mag-aalis ng kasuotan.

"Parang ang gustong gawin ni Happy, 'yung character ko, pumunta sa ano...lumusong sa dagat at maghubad ng ano niya...ng damit niya, ng swimsuit niya," pahayag niya.

"Direk, paano po ang gagawin natin dito," natatawa pa niyang sabi.--FRJ, GMA News