Marami ang naiintriga sa teaser ng pelikulang "Family History" na pinagbibidahan nina Michael V at Dawn Zulueta.  Ayon sa Kapuso comedy genuis, layunin talaga nilang gulatin ang mga manonood sa kuwento ng pelikula.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing bumisita sina Bitoy at Dawn sa programang "Unang Hirit" para i-promote ang kanilang pelikula kung saan gagampanan nila role na mag-asawa.

Dito ibinahagi ng dalawa kung paano sila naka-relate sa kanilang role bilang magulang din sa totoong buhay.

"Ayoko namang maging basta disciplinarian lang, gusto ko naman approachable din ako. I try to really balance it," sabi ng batikang aktres.

"Ako naman ganun din sa bahay," saad ni Bitoy, sabay tawa na sinabing, "Yung voice of god. 'Pag narinig na nila yun, that thunderous voice, seryoso na ako nun."

Dahil mahusay din si Bitoy na mag-drawing, kumasa siya sa quick challenge, na ise-sketch si Dawn.

Nang makita ni Dawn ang resulta ng drawing, nag-request siya kay Bitoy na pirmahan niya ito.

Sa mga nakapanood na ng teaser, marami ang naiintriga sa kuwento ng istorya lalo pa't tila magkakaroon ng malubhang sakit ang isa sa mga bida.

"Ang ambisyon talaga natin na gulatin sila, to expect the unexpected; na pagkatapos nilang manood, maramdaman nila na, 'ah, sulit 'yung panonood ko at 'yung trailer, teaser na nakita ko eh isang patikim lang talaga,'" paliwanag ni Bitoy.

Bilin naman ng line producer ng pelikula, magbaon ng isang box ng tissue sa panonood.

"Itong 'Family History,' puso ang target nito eh; puso ng mga manonood, puso ng mamamayang pilipino and galing naman sa puso ko," sabi pa ni Bitoy, na direktor at writer din ng pelikula.

Ipalalabas na ang "Family History" sa mga sinehan sa July 24."--FRJ, GMA News