Magtatambal sa unang pagkakataon sina Ruru Madrid at Jasmine Curtis-Smith para sa isang pelikula. Ang aktor, inaming matagal na niyang crush si Jasmine.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" sinabing hatid ng APT Entertainment, Inc. ang pelikula nina Ruru at Jasmine.

Sumabak sa motocross ang Kapuso heartthrob, bagay na hindi na bago sa kaniya. Gayunman, hindi pa rin maiwasan ni Ruru na magkagalos o masaktan paminsan-minsan.

"Nasugatan ako kanina tapos nagka-sprain 'yung left foot ko," sabi ni Ruru.

"Puwede kiligin pero bawal ma-fall, eh na-fall kanina kaya tuloy sa paa niya," pabiro namang sabi ni Jasmine.

Kita ang natural na on-cam chemistry ng dalawa lalo't komportable na sila isa't isa pagdating sa kilig scenes.

Katunayan tinangkilik agad ng fans ang kanilang photos sa shooting nang iupload ito ito sa social media.

"Kailangan agad 'yung kiliti ng ka-partner mo, alam mo 'yung ano ang nagpapa-smile sa kaniya. So we went through workshops also," sabi ni Jasmine.

Inamin ni Ruru na matagal na niyang showbiz crush ang kaniyang leading lady.

"Siguro mga 14 pa lang ako, tapos sabi ko, 'Grabe sobrang ganda nito'. Sobrang gustong-gusto ko siyang makatrabaho... Sobrang talented din, sobrang talino na talagang kahit sino naman imposibleng hindi magkagusto sa kaniya," ani Ruru.

Sigurado umanong makare-relate ang mga millennial sa pelikula na puno ng kilig at good vibes.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News