Naaliw at kinabahan ang mga follower ni Yasmien Kurdi sa kaniyang Youtube channel nang i-upload niya ang video nang lihim nilang pinuntahan ng kaniyang anak na si Ayesha ang mister niyang piloto na nasa Cebu.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, makikita sa ipinost na video ni Yasmien ang palihim na pagpunta nila ni Ayesha sa hotel kung saan nag-stay ang kaniyang asawang Rey.

Nagtawanan pa sila nang muntikan silang makita ni Rey.

Ginawa ng Kapuso actress ang video para alamin kung ano ba ang ginagawa ng kaniyang mister sa mga layover o out-of-town duties nito.

At nang malaman na ni Yasmien kung nasaang room ang mister, pinuntahan na nila si Rey habang kumukuha siya ng video.

Nang magbukas ang pinto, nagulat at natatawa naman si Rey sa hindi inaasahang pagbisita sa kaniya ng kaniyang mag-ina.

Ayon kay Yasmien, wala naman siyang ibang inaasahan na makikita sa kuwarto ng kaniyang mister pero kinabahan daw ang ilan niyang followers.

"Hindi ko naman alam na ganoon pala nasa isip ng viewers. Sila pala kinakabahan [na] baka pagbukas ko ng pintuan, may... 'yung mga kinatatakutan ng mga asawa," natatawang sabi ng aktres.

Bukod sa ''stalking surprise'' video, tampok din sa Youtube channel ni Yasmien ang iba't ibang achievements ng kaniyang pamilya, pati na everyday duties niya bilang isang ina at asawa.

Si Yasmien daw ang nag-iisip ng content habang si Rey naman ang nag-e-edit ng kanilang videos.

"Ang Youtube ngayon parang modern day family photo album.  Puwede mo siyang balik-balikan sa memories natatandaan mo 'yung ginagawa n'yo," paliwanag niya.

Sa pamamagitan din ng mga video, nalalaman din daw ng kaniyang mga follower kung sino siya sa likod ng camera.

"Sa tv nakikita nila yung serious side ko, lagi akong umiiyak, lagi akong dramatic," aniya. "For how many years sa showbiz hindi nila nakita 'yung bubbly side 'yung kwela side."

Tip niya sa para mapaganda ang mga ginawang video na inilalagay sa Youtube; "Manood din kayo ng ibang youtube videos. Sa Youtube hindi mo naman kailangan maging high production lalo sa Philippine setup. Gusto nila natural."-- FRJ, GMA News