Big winner sa awarding ceremony ng 15th Cinemalaya Philippine Independent Film Festival ang pelikulang "John Denver Trending," na pinagbibidahan ng young actor na si Jansen Magpusao.

Sa Star Bites report ng "Balitanghali" nitong Lunes, sinabing kabilang sa napanalunan ng "John Denver Trending," ay Best Film in Full Length Category, Best Original Music Score, Best Editing, Best Cinematography, at Network for the Promotion of Asian Cinema o Netpac Award.

Itinanghal na Best Actor ang newcomer at bida ng pelikula na si Jansen, labis ang kasiyahan sa natanggap na parangal.

Nakuha naman ng pelikulang "Iska" ang Best Screenplay at Best Sound Design, habang ang bida nitong si Ruby Ruiz ang itinanghal na Best Actress.

"Sobrang saya. Overwhelming joy dahil alam kong mabigat yung mga kalaban ko," saad ni Ruby.

Nakamit naman ni Ricky Davao ang pagkilala bilang Best Supporting Actor para sa pelikulang "Fuccbois".

Ang direktor nitong si Eduardo Roy Jr., emosyonal na tinanggap ang kaniyang second Best Director Award sa Cinemalaya.

Itinanghal namang Best Supporting Actress si Ella Cruz para sa "Edward," na nagkamit din ng Best Production Design award.

Nakakuha naman ng Audience Choice Award ang "Belle Douleur," na pinagbibidahan ni Mylene Dizon.

Para sa short film category, Best Film ang "Wag Mo Kong Kausapin." Special Jury Awardee ang "Tembong" at Audience Choice Award ang "Heist School."-- FRJ, GMA News