Kabilang ang Master Impersonator na si Willie Nepomuceno sa tatlong komedyante na binigyan ng "Puso Ng Saya" award na bahagi ng fourth anniversary ng "Sunday Pinasaya."

Kasama ni Willie na binigyan ng parangal ang "Eat Bulaga" dabarkads at Henyo Master na si Joey De Leon at ang veteran comedienne na si Nova Villa.

Sa pagtanggap ng award, ikinuwento ni Willie kung papaano siya nalinya sa panggagaya bagaman ang talagang pangarap niya ay maging artista.

"Nahilig ako sa teatro noong araw. Ang ambisyon ko sa buhay talaga maging artista. Ang kaso nung panahong iyon ang uso yung matangkad, tisoy, kulot, puro wala ako ng katangiang iyon," natatawa niyang kuwento.

Kaya ang ginawa raw niya, ginaya niya ang boses ng mga sikat na artista noon at nagsusuot din siya ng wig.

Sa paglipas ng panahon, hindi na lang boses ng mga sikat ang kaniyang ginagaya kung hindi pati na rin ang hitsura at kilos.

Kahit marami na ngayon ang nagsusulputang impersonator, aminado sila na wala pa ring papantay at nag-iisa pa rin bilang master impersonator si Willie Nepomuceno.

Panoorin ang pagtanggap niya ng parangalan sa video na ito ng "Sunday Pinasaya."

Video courtesy of GMANetwork.com-Entertainment

--FRJ, GMA News