Hindi napigilang maging emosyonal ng beteranang aktres at comedianne na si Nova Villa nang tanggapin ang parangal na "Puso ng Saya" award ng "Sunday PinaSaya." Inialay niya kasi ang natanggap na pagkilala sa yumaong co-star niya noon sa sitcom na "Chicks to Chicks" na si Chito Arceo.

Sa "Sunday PinaSaya," ikinuwento ni Nova kung paano nagsimula ang kaniyang showbiz career, nang bigla siyang alukin na maging leading lady ni Fernando Poe Jr. sa ilalim din ng batikang direktor na si Efren Reyes Sr.

Nang panahong iyon, 17-anyos lang si Nova at sinamahan lang niya sa film studio ang kapitbahay niyang komedyante noon na si Chichay.

Mula noon, nagtuloy-tuloy na siya sa pagiging artista.

Noong 1980's, gumanap naman si Nova noon bilang si Ines Capistrano sa sikat na TV sit-com na "Chicks To Chicks."

Naluha si Tita Nova nang tanggapin niya ang parangal ng "Sunday PinaSaya," dahil naalala niya ang yumaong si Chito.

"Nais ko ring ialay ito sa kapatid ko sa Chicks to Chicks, kay Chiqui (Chito Arceo), he just passed away. Pumunta pa ako sa kaniya at lagi kaming nagte-text kahit matagal na kaming medyo hindi nagkikita, pero nananatili 'yung aming relasyon bilang magkapatid."

Yumao si Chito nitong Hulyo.

"Chiqui, sa atin ito. Freddie Webb, sweetheart, atin 'to. Thank you so much sa 'Sunday PinaSaya."

Nagpasalamat din si Nova sa Sunday PinaSaya at sa mga taong patuloy na tinatangkilik ang comedy.

Panoorin ang madamdamin niyang pahayag.


--Jamil Santos/FRJ, GMA News