Loveless man sa ngayon, na-e-enjoy naman daw si Katrina Halili ang kaniyang pagiging single. Pero hiling niya, maunawaan sana ng anak niyang si Katie sakaling magkaroon muli siya ng boyfriend.

Sa media conference ng pinakabagong GMA Afternoon Prime soap na "Prima Donnas" sa GMA Network nitong Martes, sinabi ng aktres na zero ang kaniyang love life.

 

 

Natanong din ng showbiz press kay Katrina kung ano ang hinahanap niyang katangian ngayon ng isang lalaki.

"Hindi ko nga alam eh. Dapat kasundo mo. Super yaman?," natatawa niyang biro.
Patuloy niya, "Siyempre dapat kaya kang buhayin 'no? Ano 'to, dapat buhayin ko pa siya? Ano 'to? 'Di ba? Baka naman mamaya mag-travel kami, KKB 'to o kaya libre ko pa. Huwag namang gano'n."

Ayon kay Katrina, hiling niyang sana matanggap balang araw ni Katie na puwede na ulit siyang magka-boyfriend.

"Magse-seven na siya eh, dapat tanggapin na niya, maawa naman siya sa akin 'di ba? Pero sa ngayon naman wala naman din," saad niya.

Kung sakali man, mas gusto ni Katrina na ipakilala kay Katie ang isang lalaking seryoso na at hindi iyong paiba-iba.

Sinabi rin ng aktres na okey pa rin ang ugnayan nila ni Kris Lawrence, na ama ni Katie.

"Oo close. Hindi ko naman po 'yun ipinagdadamot. Every time na free naman 'yung sched ni Kris or kunwari wala ako, tatawagan ko siya, dadalhin niya si Katie, gano'n," pagbahagi niya.

Pero para kay Katrina, wala na silang tiyansang magkabalikan pa ni Kris.

"Friends lang po kami talaga. Kasi siyempre 'di ba, may mga tao talagang ganoon, okay kayo as friends. 'Wag na ipilit, gano'n," saad niya.--FRJ, GMA News