Hanga si Aiko Melendez sa on-screen chemistry nila ni Wendell Ramos, na muli niyang makakasama sa pinakabagong Kapuso series na "Prima Donnas." Pero paglilinaw niya, walang "something" na namagitan sa kanila.

Bago ang pagsasama nila sa "Prima Donnas," nagtambal na sina Aiko at Wendell sa isang proyekto sa ibang network.

"Siya ang leading man ko po doon. Sabi ko nga eh, parang reunited na naman kami ni Wendell and kahit paano po kasi, 'yung love team namin, I don't wanna call it a love team, it's a partnership," sabi ni Aiko sa media conference ng "Prima Donnas" sa GMA Network nitong Martes.

 

 

 

 

 

"Because kami ni Wendell talaga, kahit hindi kami nagkaroon ng something, totoo po ito ha, wala kaming something or anything, but when you watch us on screen, parang feeling niyo, 'Meron ito eh, 'no? Nagkaroon ng something' pero wala. Kasi ganoon kaganda 'yung chemistry ng partnership namin ni Wendell. Kaya nga nagkaroon kami ng mga fans sa IG... dahil ganu'n ka-click 'yung partnership namin," pagpapatuloy ni Aiko.

Dahil dito, inihayag ni Aiko na isa rin ito sa mga dahilan kung bakit niya tinanggap ang "Prima Donnas."

"Kaya nga when we learned about na siya ang magiging leading man ko, isa 'yun sa factor kung bakit tinanggap ko rin 'yung Prima Donnas kasi hindi na ako mahihirapang mag-adjust dahil kapag siya 'yung kabatuhan ko, isang tinginan lang namin ni Wendell, alam naman namin 'yung gagawin."

Ang Prima Donnas ay kuwento ng tatlong magkakapatid na sina Donna Marie (Jillian Ward), Donna Belle (Althea Ablan) at Donna Belle (Sofia Pablo), mga tagapagmana ng Claveria Group of Companies. Mga anak sila nina Jaime (Wendell) at Maita (Glaiza).

 

 

Dahil hirap magkaanak sina Jaime at Maita, kukunin nila si Lilian Madreal (Katrina Halili), anak ng kanilang helper, bilang surrogate mother.

Ngunit magkakaroon ng pagsubok sa tatlong tagapagmana dahil sa mga balak nina Kendra Fajardo (Aiko) at Brianna (Elijah Alejo).

Natuwa rin si Wendell na muli niyang makakasama si Aiko.

"Actually nu'ng nalaman ko po na si Aiko po 'yung makakasama ko rito, natuwa po talaga ako and I'm very thankful sa tiwala po ng GMA na binigay po nila ulit sa akin... makakasama ko na naman si Ms. Aiko Melendez at ako na naman po 'yung magiging ka-partner niya. Pressure sa akin, ang iniisip ko na lang, it's a group blessing po," saad ni Wendell.

Ipalalabas ang Prima Donnas sa Afternoon Prime simula Agosto 19.--FRJ, GMA News