Bukod sa showbiz, busy din ngayon ang "Hanggang Sa Dulo ng Buhay Ko"  star na si Kris Bernal sa kaniyang mga negosyo. Pero kung talagang magagahol sa panahon, ano kaya sa dalawa ang magiging prayoridad niya? Alamin.

Sa pagsalang niya sa online showbiz program na ArtisTambayan, aminado si Kris na nalulungkot siya kapag hindi napapansin ang kaniyang pinagpaguran. Pero kailanman daw ay hindi niya inisip na iwan ang showbiz.

"Actually sa sobrang busy ko, hindi ko naiisip mag-quit talaga kasi priority ko pa rin ang showbiz kahit andami kong ginagawa at ang dami kong binubuksan na negosyo. Pero priority ko pa rin talaga 'yung showbiz," saad niya.

"Pero siguro, ang makakapag... minsan lang, nagiging sad ako 'pag hindi na-a-appreciate 'yung work ko. Like for example gawa ako nang gawa ng teleserye every year, nakakadalawa ako, pero parang wala akong nakikitang progress sa sarili ko or sa career ko," dagdag ng aktres.

May mga sandali rin daw na napanghihinaan siya ng loob pero humuhugot pa rin siya ng lakas upang ibigay ang lahat para sa anumang proyekto.

Kamakailan lang, laking gulat ng isang costumer nang malamang na mismong si Kris ang nag-deliver ng inorder niyang cosmetics.

Napapanood si Kris sa "Hanggang Sa Dulo ng Buhay Ko" sa Afternoon Prime.

-- Jamil Santos/FRJ, GMA News