Naghanda special presentation ang "Sunday  Pinasaya" para kay AiAi Delas Alas na nagdiwang ng kaniyang ika-30 taong anibersaryo sa showbiz industry. Ang mga malalapit niyang kaibigan na sina Boy Abunda, Arnel Ignacio at Marian Rivera, nagbigay ng mensahe para sa kaniya.

Kahit matagal na sa showbiz, pinuri ni Jose Manalo si AiAi dahil nagpapatuloy daw ang dedikasyon ng aktres sa trabaho na nagsisilbing magandang inspirasyon sa mga baguhan sa showbiz.

Ayon kay AiAi, hindi siya napapagod na magtrabaho at kailangan niyang patuloy na magsipag.

"Nagsisipag ako kasi gusto ko na maganda ang buhay ng pamilya ako at saka ang mga anak ko. Saka siyempre yung mga tinutulungan ko sa charity," saad niya.

Si Marian, inilarawan si AiAi na mabuting tao at walang itinatago kaya isa ito sa mga naging kaibigan niya sa showbiz.

"Siya yung tipo ng kaibigan na hindi mo pakakawalan dahil siya yung tipo ng tao... kapag may kaibigan ipaglalaban niya at mamahalin niya nang todo-todo talaga," ayon sa Kapuso primetime queen.

Hinangaan naman ni Arnel ang pagiging palaban ni AiAi na hindi sumusuko sa kahit anong pagsubok na kaharapin sa buhay.

"Ang dami-daming dagok na inabot niya, hindi nawawala saka hindi tumitigil," aniya.

Ang batikang TV host at talent manager na si Boy, sinariwa ang panahon na magkasama sila sa isang showbiz talk show noon sa GMA.

"Nagsimula tayong dalawa sa palabas na 'Show and Tell' sa channel 7. Ikaw si Chini Lachika, ang galing-galing mo. 'Yon ang masayang panahon, ang sarap balikan," saan niya.

Panoorin sa video na ito ang pagbibigay-pugay ng "Sunday Pinasaya" kay AiAi.



--FRJ, GMA News