Isa si Arnell Ignacio sa local artists na miyembro ng LGBTQIA+ community kaya natanong siya tungkol sa pinag-uusapang isyu ngayon ng trans woman na si Gretchen Diez.

Reklamo ni Diez, biktima siya ng diskriminasyon pagkatapos hindi siya payagan ng janitress ng isang mall sa Quezon City na gamitin ang comfort room para sa mga babae.

Naging malaking isyu ang insidenteng ito na maging ang mga kongresista at senador ay nakisali sa usapin.

Pahayag ni Arnell tungkol sa isyu ni Diez, “Naku, hindi naman kasi ako unfamiliar sa ground na ‘yan. I’m gay.

“Pero I’m very, very sure na sa edad ko, ako ang dumaan sa totoong discrimination, sa totoong panlalait at bullying.

"Pero ang tagal na nating magkakilala, di ba? Mukha bang naapektuhan ako dun?” natawang tanong niya.

Para kay Arnell, hindi kailangang maging malaking issue ang nangyari.

Ngayon nga, dahil sa kuha ng CCTV base sa napanood ni Senate President Tito Sotto, tila salungat sa mga unang claim ni Gretchen—nagkaroon ng ibang pananaw maging ang ilang miyembro ng LGBTQIA+ sa nangyari.

Ayon kay Arnell, “Kasi ang pananaw ko roon, e, bakit ba siya kailangang maging napakalaking isyu na kailangan nating kumbinsihin ang pananaw ng isang babae na kailangang maging kumportable ka na nandiyan ako sa loob ng CR?

“Kung gusto talaga nating i-solve, para matigil ang usapan, the local government, the mayor, solve it.

"One, magtayo kayo ng dalawang extra CR. Magkano lang iyun.

"Kahit gawin pa nilang isang floor ng CR and it will end the hullabaloo of discussion.

“Again, tingnan mo ‘to, ang pag-solve natin ng problema, laging dakdakan.

"Samantalang structural ‘to, yung pinipilit mong palitan pa ang pananaw ng mga tao will take ages, di ba?

“Ako, ‘eto, hindi porke’t nagkaroon ako ng ibang pananaw, e, oobligahin kita na baguhin mo rin ang pananaw mo dahil sa akin.”-- For the full story, visit PEP.ph