Muling nilinaw ni Kapuso Primetime Queen Marian Rivera ang ilang nagtatanong  na ina tungkol sa pagpapakain na niya ng solid food sa anak na si baby Ziggy.

"[Sa] Akin naman, bilang pasintabi at bilang pagrespeto sa kapwa ina na nagtanong sa akin eh sinagot ko siya nang maayos," saad ni Marian sa media conference ng programa niyang "Tadhana" nitong Huwebes.

 

 

"Bawat ina ay may kaniya-kaniyang sitwasyon, kaniya-kaniyang pagpapalaki ng anak. Sabi nga nila 'Ang anak ko ang sarili kong pagpapalaki.' Kung paano ko gustong palakihin ang anak ko, it's my role. Kaniya-kaniya tayo," pagpapatuloy niya.

Paliwanag ni Marian, may gabay ng eksperto ang desisyon niyang pakainin si Ziggy ng solid food.

"Pero this time kasi, 'yung pediatrician ko is in-allow niya si Ziggy to eat solid food. So nagpakain ako ng solid which is ayon sa WHO (World Health Organization) na kailangan pinapakain ang isang bata, six months pataas. Pero 'yung anak ko kasi is going to five months pa lang. Pero binigyan akong pahintulot ng pediatrician ko na puwede na, allowed na si Ziggy but small amount," paliwanag ng aktres.

Nilinaw pa ni Marian na naniniwala pa rin siyang ang breastfeeding ang pinaka-basic na paraan kung paano pakakainin ang isang sanggol.

"But still, ang breast milk pa rin ang tanging source talaga ng food na pinaka-main. Kumbaga ini-introduce ko lang sa bata ang mga solid."

Hiniling ng aktres na huwag sanang maging sanhi ng panghuhusga ang kaniyang desisyon sa pagpapakain sa anak, dahil hindi niya rin naman gugustuhing mapahamak ang bata.

"And then siyempre, baka raw nagbibigay ako ng masamang impormasyon o whatever, so sabi ko 'Okay, sasagutin ko siya. Pero sana ang hiling ko lang sa bawat kapwa ina ay huwag tayong makasakit ng kapwa ina. Wala namang ina ang naghahangad na mapahamak ang kanilang anak. Siyempre ikaw dahil sa anak mo, lahat gagawin mo, lahat ng pagmamahal, lahat ng pagbibigay mo 'di ba?,'" patuloy ni Marian.

Sabi pa niya, hindi pa niya ititigil ang pagpapa-breastfeed sa anak.

"Kasi itong adbokasiya ko sa pagpapa-breastfeed eh hindi naman nangangatwiran na nagpakain ako ng solid food, ang ibig sabihin ay bibitawan ko ang pagpapasuso sa anak ko. No, definitely no. Pero hangga't kaya ko, hangga't may lumalabas, gagawin ko 'yun para sa anak ko dahil si Zia, two years kong pinasuso sa akin. So walang dahilan para hindi ko siya gawin dito sa second one ko."

"Actually kaya ako natagalan, nag-pump muna ako bago pumunta sa inyo. And then on the way home, gagawin ko uli 'yan pagdating sa bahay. So wala akong nakikitang masama," kuwento ni Marian sa showbiz press.

"Pero sabi ko nga, kaniya-kaniyang pagpapalaki ng anak, irespeto natin ang bawat isa bilang isang ina,"

Unang nagbigay ng pahayag si Marian noong nakaraang Agosto sa isang Instagram post, kung saan inihayag niyang proud "padede mom" siya at sinusuportahan ang eksklusibong pag-breastfeed sa isang sanggol mula sa pagsilang hanggang mag-anim na buwan.--FRJ, GMA News