Tinapos ni Marian Rivera ang mga espekulasyon na posibleng maging bahagi siya ng Philippine adaptation ng "Descendants of the Sun." Ipinaliwanag din ng aktres kung bakit hindi siya puwedeng maging leading lady ng kaniyang asawang si Dingdong Dantes sa naturang serye.

"Ang hirap talaga eh kasi ang layo, Nueva [Ecija] 'yung location nila. Tapos walang uwian, two days straight, wala silang uwian," paglalahad ni Marian sa media conference ng "Tadhana" nitong Huwebes.

"So paano 'yon? kaladkad [dala-dala] ko si Ziggy sa taping? Tapos si Zia nag-aaral, ako 'yung hatid-sundo sa anak ko," dagdag niya.

 

ADVERTISEMENT

 

"So tingnan natin. Minsan kasi mahirap magsabi na 'Oo' o 'Hindi,' malay mo may magandang project din naman 'yung GMA para sa akin. Pero sabi ko nga, gradual. 'Tadhana' and then after 'Sunday PinaSaya' and then after, baka may isang show akong gawin and then, malay mo, soap opera ulit," dagdag niya.

Diretsahang sinagot ni Marian na hindi siya magiging bahagi ng "Descendants of the Sun."

"Sa ngayon oo. Oo kasi hindi talaga."

Gayunman, hindi naman nanghihinayang si Marian na hindi niya makakatrabaho ang asawang si Dingdong.

"Well siyempre looking foward naman talaga ako na makatrabaho ko pero sabi ko nga, siguro sa tamang panahon."

Matatandaang ipinakilala na ang cast ng "DOTS," na pagbibidahan nina Dingdong, Rocco Nacino at Jasmine Curtis-Smith. Si Jasmine ang magiging leading lady ni Rocco samantalang wala pang inaanunsiyo para kay Dingdong.--FRJ, GMA News