Pinatunayan ng mag-asawang Robert Vilacarlos at Germarie Fedilo na "age doesn't matter" pagdating sa pagmamahal kahit pa 33 taon ang agwat ng kanilang edad.

Sa programang Unang Hirit, sinabing 66-anyos na si Mang Robert, habang 32 naman si Germarie, na pang-walong babae na kaniyang minahal.

Ikinuwento ni Mang Robert na nasira ang kaniyang mga naunang pamilya kaya nami-miss niya ang kaniyang mga anak. Kaya nang makilala niya ang kapitbahay niyang si Germarie, iba ang kaniyang naramdaman.

Dagdag pa ni Mang Robert, 13-anyos ang kaniyang naging unang asawa, habang 17 naman siya noon. Nang makilala niya si Germarie, 18-anyos naman ito.

Inamin naman ni Germarie na naghahanap siya ng "father image" dahil nanggaling siya sa broken family.

Kinumpirma ito ng psychologist na si Dr. Camille Garcia, na sinabing posibleng na-in love si Germarie kay Mang Robert dahil naghahanap siya ng "paternal instincts."

May dalawa na silang anak ngayon na 18-anyos na ang panganay, at 16-anyos naman ang bunso. Patunay na wagas ang kanilang pagmamahalan.

Panoorin ang matamis na mensahe nina Mang Robert at Germarie para sa isa't isa sa video na ito. -- FRJ, GMA News