Kahit hindi nakasama sa Final 4 ng "StarStruck" Season 7 si Pamela Prinster, tumatak naman sa Council member na si Jose Manalo ang kaniyang acting at ikinumpara pa sa batikang aktres na si Cherie Gil.

READ: 'StarStruck' Final 4, napili na

Sa nakaraang artista test ng mga artista hopeful, heavy drama ang kanilang ginawa na pinamahalaan ni direk Don Michael Perez.



Ang child actress na si Leanne Bautista ang nakaeksena ng mga female survivor, habang ang child actor na si Yuan Francisco ang kasama ng mga male survivor.

Sabi ni Jose kay Pamela: "Mula nung umpisa, kinabahan ka dahil sa ingles-ingles. Pinatunayan mo na may pangalawa nang Cherie Gil, na aakting kahit na ingles, ibibitaw ko 'to. Kahit baluktot 'to."


Natatawa naman na nagtanong si Cherie kung bakit napasama siya sa paliwanag ng kaniyang co-council.

Sabi ni Jose kay Cherie, "Ikaw kasi kahit nag-iingles ka 'pag binigyan ka ng role na hindi ka mayaman wala kang pakialam; kahit bulol pero naibibigay ko nang tama, naidedeliber ko nang tama yung ingles kong baluktot."

Patuloy ni Jose para kay Pamela, "Yun yung nakikita ko ngayon sa'yo."

Inayunan naman ito ni Cherie. -- FRJ, GMA News