Labis na ipinagmamalaki ng aktres na si Jean Garcia ang bago niyang pelikula na "Watch Me Kill," na isang psychological thriller/action-drama.

Ang Watch Me Kill na binigyan ng MTRCB ng R16 classification ang second feature film ni direk Tyrone Acierto.

Maikukumpara kay Quentin Tarantino ang style of directing ni Tyrone, base sa mga eksenang napanood namin sa premiere ng pelikula na naganap sa Cinema 5 ng TriNoma kagabi, September 10.

Hindi para sa mga mahihina ang puso ang Watch Me Kill dahil tiyak na kakabahan sila sa lahat ng mga eksena ni Luciana, na walang ginawa kundi ang mamaril at pumatay.

Luciana ang pangalan ng karakter ni Jean na isang assassin for hire at ruthless killer dahil walang tao na sinasanto.

Mabigat sa paningin at sa dibdib ang mga bayolenteng eksena kaya hindi nakapagtataka na ang Watch Me Kill ang isa sa pinakamahirap at nakakapagod na pelikulang ginawa ni Jean, na matagal nang hasang-hasa sa mga dramatic scene.

Ipinagmamalaki ni Jean ang Watch Me Kill dahil ngayon lamang siya nabigyan ng role na kakaiba.

Umaasa siyang masusundan pa ang movie project nila ni Tyrone, na hinahangaan niya bilang direktor.

Imbitado ang Watch Me Kill sa Warsaw International Film Festival (WIFF) ng Poland na magaganap sa October 11.

Dadalo si Tyrone sa international premiere ng kanyang pelikula sa WIFF.

Umaasa ang direktor na makakasama niya si Jean, na hindi pa tiyak ang attendance dahil sa taping ng kanyang bagong show sa GMA-7, ang The Gift, na nakatakda naman sa September 16 ang pilot telecast.-- For more showbiz news, visit PEP.Ph