Mas palaban at level up na ang mga kalahok sa mas pinatindi ring "The Clash."  Kaya naman hirap daw ang Clash masters na sina Julie Anne San Jose at Rayver Cruz na isipin kung sino ang mananalo.



Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Miyekoles, sinabing magsisimula ulit sa 64 contestants ang bagong season ng naturang singing competition.

Nakilala na nina Julie at Rayver ang mga magtutunggali sa ilang sound check.

"May part po kasi doon na magtatagisan ng galing 'yung dalawa and then kung sino yung manalo sa kanila, sila 'yung papasok sa next round. So ang hirap mamili," sabi ni Julie.

Dahil dito, mas naging mahirap din ang trabaho ng judges na sina Lani Misalucha, Christian Bautista at AiAi Delas Alas.

"It's easier kasi tatlo kami. We're with Ms. A.. Mss AiAi of course so laging nagkakaroon ng tie breaker," saad ni Christian.

Sinabing mas naging attached naman ang journey hosts na sina Ken Chan at Rita Daniela sa mga kalahok dahil sila ang makakasama ng mga ito nang malapitan para kapanayamin.

"Akala namin kami 'yung makakapagbigay sa kanila ng mga advice. Hindi pala, mas may matututunan kami sa kanila. As journey hosts, ang dami naming napupulot na aral sa kanila at doon ako nagulat," sabi ni Ken.

Nagbigay din si Clash Master Rayver at Season 1 Grand Champion Golden Cañedo ng payo sa mga Clasher.

"Hindi mawawala 'yung kaba pero kung paano mo iyu-use 'yung kaba na 'yon sa positive side, paano mo ipapakita sa kanila kapag kumanta ka na, kasi nandito ka na eh, 'di ba parang 'Mas gusto ko 'to, gusto ko to,'" ayon kay Rayver.

"Kailangan po nilang magtiwala sa sarili nila na kaya po nila," sabi naman ni Golden.

Magsisimula ang "The Clash" sa Setyembre 21.

Samantala, makakasama ng mga Kapuso Abroad sina Christian, Lani, AiAi at Golden sa "All 4 U: The Clash Concert" sa Oktubre 19 sa Arcadia Performing Arts Center sa Los Angeles, California.--Jamil Santos/FRJ, GMA News