Successful ngayon sa kaniyang showbiz career si Super Tekla dahil bukod sa mga GMA show, may pelikula pa siyang "Kiko En Lala." Kaya naman nang makapanayam, natanong ang komedyante kung pumapasok ba sa isip niya ang tungkol sa pagiging sikat.

"Ang kasikatan? Ay hindi. Naku kung iisipin mo 'yun mababaliw ka eh. Kasi ang kasikatan, hindi mo dapat i-[absorb] 'yan, maging humble ka lang," saad ni Tekla sa GMA News Online nitong Huwebes sa GMA Network.

"Kasi ang kasikatan, ang lawak niyan. Pero parang balat lang ng... 'yung tibay niyan, parang balat lang ng itlog. 'Pag pinitik mo, basag. So kailangan, be humble, stay humble, smile, and be thankful," dagdag niya.

 

 

"Kasi 'pag once in-absorb mo ang kasikatan, wala na, 'Bloated na ito.' Du'n na papasok ang negative. Papasok na 'yung ganiyan, ganiyan, hanggang sa ano na," patuloy niya.

Mas nakikita aniya ni Tekla ang kaniyang sarili bilang isang "entertainer" at tagapagpasaya ng mga tao.

"Be thankful, at least instrumento ka. Ang daming malungkot din eh, ang daming problema ng tao eh. Ikaw ang pinili ni God, ikaw ang tagapag-entertain. Kasi hindi naman puwede lahat masaya. Eh 'di ang boring no'n. Lahat masaya, pero ang boring," natatawa niyang sabi.

Ang "Kiko En Lala" ang magsisilbing unang movie ni Tekla na siya ang bida, na may dalawang karakter.

"Kiko En Lala" is conjoined twins po ito sa movie, 'yun po 'yung story niya, kambal-tuko. Pinaghiwalay kami and then 'yung isa, namatay, hindi successful 'yung pagkahiwalay. Nag-decide kaming maghiwalay. Kumbaga hindi tinanggap ng system ng katawan namin 'yung process ng paghiwalay, hindi successful, bumigay 'yung isa," paglalahad ni Tekla.

Makakasama ni Tekla sina AiAi delas Alas, Kim Domingo, Derrick Monasterio, Jo Berry, Kiray, at Tetay.

Sa direksyon ni Adolf Alix sa ilalim ng GMA Pictures, mapapanood ang "Kiko En Lala" sa Setyembre 25.--FRJ, GMA News