Muling binalikan ni Ruru Madrid ang panahon na na-depress siya nang ma-bash sa pagganap bilang si Ybarro sa Encantadia 2016, at kung paano niya ito hinarap at nalagpasan.

Sa Kapuso ArtisTambayan, ikinuwento ni Ruru na marami ang hindi bumilib sa kaniya noon nang makuha niya ang Ybarro role sa remake ng Enca.

"Siguro 'yung pinaka-challenging, masasabi ko 'yung Ybarro pa rin. Dahil nu'ng nag-audition ako sa Encantadia and then they announced na ako na 'yung gaganap na Ybarro, sobrang binash (bash) ako, like, walang naniwala sa akin na kaya kong ma-pull off 'yung role na 'yun," kuwento ni Ruru.

"Dahil nu'ng time na 2005 Encantadia, si Kuya Dong 'yun, Dingdong Dantes 'yung gumanap du'n. So sinasabi nila na, 'Ano ba 'yan, bakit si Ruru binigay niyo diyan, Dingdong Dantes 'yan dati!' Ganiyan, ganiyan. So na-depress ako dahil binash nila ako," dagdag niya.

Dahil sa mga punang kaniyang natanggap, naging mas pursigido pa si Ruru na pag-igihan ang sarili at paghandaan ang role.

"Pero eventually, nagpaganda ako ng katawan, pinakita ko sa kanila na deserving ako para sa role na 'yun. And then dahil sa ginawa ko, nanalo ako ng Best Actor for that role," ani Ruru.

Matatandaang ginawaran si Ruru ng PMPC Star Awards for TV Best Drama Actor noong 2017 dahil dito. —Jamil Santos/KG, GMA News