Matapos ang ilang buwan na paghihintay, si Jennylyn Mercado ang napiling maging leading lady ni Dingdong Dantes sa Pinoy adaptation of "Descendants of the Sun."

Gagampanan ni Jennlyn ang role bilang si Dr. Maxine, na katambal ni "Big Boss" Captain Lucas, na karakter naman ni Dingdong.

Bagaman nagkasama na sina Dingdong at Jennylyn sa ilang proyekto tulad ng pagho-host ng "Starstruck" at 2005 series na "Encantadia," ito ang unang pagkakataon na magtatambal silang dalawa.

Kuwento ni Jennylyn, hindi niya inaasahan na siya ang mapipili sa role bilang si Dr. Maxine, at nalaman daw niya ito kamakailan lang.

"Ang dami ko ring ginagawa, kakatapos lang ng 'Love You Too." Siyempre sila nag-start na sila nagte-taping pa rin kami ng 'Love YouToo' eh kaya alanganin na rin ako. Hindi ko na rin alam kung sino ba baka nga hindi ako kasi," sabi ng aktres sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA news "24 Oras" nitong Huwebes.

Aminadong fan ng "Descendants of the Sun" si Jennylyn kaya  masusi raw niyang pinag-aaralan ang karakter na ginampanan ni Korean superstar Song Hye Kyo.

Kasama rin sa drama-action series sina Rocco Nacino at Jasmine Curtis-Smith, na gaganap bilang sina Technical Sergeant Diego Ramos at Lieutenant Moira Defensor.

Kanina, nag-medical training na umano si Jennylyn para maging makatotohanan ang kaniyang pagganap bilang isang doktor.  Naghahanda na rin siya sa iba pang pagsasanay tulad nang mga dinaanan ng kaniyang mga makakasama sa serye.--FRJ, GMA News