Bukod sa mga magagaling na artista, mayroon ding mga itinatago-tagong talento ang Kapuso stars na talaga namang kamangha-mangha.

Halimbawa na lamang nito si "Madrasta" star Arra San Agustin, na isa palang magaling na figure skater, ayon sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkoles.

Dati na rin daw siyang lumalaban sa mga kompetisyon.

Pagpe-painting naman ang talento ni "Beautiful Justice" leading man Derrick Monasterio. Ipinapakita pa niya ang kaniyang artworks sa kaniyang Instagram account na "derrickpaints."

Mahilig namang mag-sketch si "Prima Donnas" star Jilian Ward, na kaniya raw hobby sa tuwing libre ang kaniyang oras at para na rin ma-express ang kaniyang sarili.

Hindi lang beauty queen material, multi-talented din si Miss Multinational Philippines 2019 Isabelle De Leon.

Bukod sa kaniyang galing sa pagkanta at paggigitara, marunong din siyang mag-drums.

Nakahiligan naman ni Lovi Poe ang pagsusulat ng mga kanta, na hindi lang niya talento kundi kaniya ring outlet para maihayag ang kaniyang mga emosyon.

Nakatakda siyang maglabas ng bago niyang album, kung saan maririnig ang mga kanta na siya mismo ang nagsulat. —Jamil Santos/LBG, GMA News