Dinaluhan ng maraming Kapuso stars ang premiere night ng "Black Lipstick," bilang pagsuporta kay Kyline Alcantara na bida sa naturang pelikula.

Ginampanan ni Kyline ang karakter ni Ikay, isang dalagang may vitiligo o kondisyon sa balat. Dahil dito, makatatanggap siya ng panlalait sa paaralang kaniyang pinasukan.

Ngunit sa hindi inaasahan at hindi maipaliwanag na pagkakataon, magkakaroon ng pagbabago ang kaniyang hitsura sa tulong ng black lipstick, na magpapabago sa kaniyang hitsura at buhay.

Labis naman ang pasasalamat ni Kyline sa suportang ipinakita ng kaniyang fellow Kapuso actors sa premiere night ng "Black Lipstick."

"Sobrang sarap po sa pakiramdam. Hindi ko po in-expect na siyempre, sobrang busy po nilang mga tao and hindi ko in-expect na nagbigay sila ng oras para sa akin. Mahal na mahal ko kayong lahat, utang na loob ko ito sa inyong lahat," saad ni Kyline.

Mapapanood ngayon sa mga sinehan ang Black Lipstick, na produced ng Obra Productions at sa direksyon ni Julius Alfonso.

 

 

--FRJ, GMA News